Monday, April 12, 2010

Ang Tamang Pagluto ng Matigas-na-Itlog


Malamang sa hindi, kahit madali ang pagluto ng matigas-na-itlog, hamak na mas marami ang hindi nakakaalam sa wasto at madaling pagluluto nito. Peksman. Kung hindi hilaw eh sunog, o kaya, sumasabog na kahit hindi pa luto. Tuloy, katakot-takot na kantiyaw o sermon ang ating inaabot. Hindi po ba? Di bale, pag-aralan na lang natin kung paano talaga lutuin ang tokneneng na ito para aprubado tayo sa ating mga mahal sa buhay. :)

Mga Kailangan:

1. itlog (bahala na kayo kung ilan)
2. tubig (para po may kukulo)
3. kaserola (o kahit ano na pwedeng paglutuan, bahala na kayo kung gusto nyo ang arinola!)
4. kalan (para makapagluto po tayo)
5. timer o relo (pwede ding tantyahin, siguraduhin lang na alam nyong manantya)

Paraan ng Pagluto

Unang hakbang : Ilagay sa kaserola ang itlog (o mga itlog), lagyan ito ng malamig na tubig na 1 pulgada ang taas sa itlog. Isalang sa kalan at pakuluan. Siguraduhing bukas at may apoy ang kalan, kundi ay wala kayong maluluto kahit pa abutin kayo ng siyam-siyam.

Pangalawang hakbang : Habang kumukulo ang tubig, ibali-baligtad ang itlog para maluto ito ng mahusay. Hayaan itong maluto sa loob ng 2 minuto.

Pangatlong hakbang : Pagkatapos ng 2 minuto, alisin ang kaserola sa apoy at alsin ang takip. Hayaan ang itlog sa kaserola na nakabukas ng 11 minuto.

Ika-apat na hakbang : Alisin ang tubig sa kaserola at buhusan ng malamig na tubig ang itlog para matiyak na mahinto na ito sa pagkaluto at maiwasa ang sobrang pagkaluto nito (overcooking).

Ika-limang hakbang : Hayaang lumamig ang itlog ng 3-5 minuto pa.

Ika-anim na hakbang : Ngayon, marahang ituktok ang itlog sa matigas na bagay ng paikot para unipormado ang pagkabasag nito (hindi wasak ha). Tuklapin ang balat ng itlog hanggang matalupan ito ng buo.

Presto! Ayan, may nilagang itlog na po kayo na mahusay ang pagkakaluto!

Nota : Inaasahan ko na pagkatapos nyong mabasa ito, alam nyo na ang pagluluto ng matigas na nilagang itlog, at harinawa'y gudshat na kayo sa inyong mga mahal sa buhay.

*Para sa dagdag na kaalaman, sumangguni sa http://www.ehow.com

4 comments:

  1. Hinihiling ko na ibahagi nyo din ang inyong sariling kaparaanan ng pagluluto ng hard-boiled egg, kung meron. Welkam-na-welkam po ang inyong mga mungkahi at komentaryo. Maraming salamat/

    ReplyDelete
  2. Sana ibahagi mo rin ang wastong pagluluto ng mani ! minsan nagluto ako na overcooked ng balatan ko ay bilasa na .!

    ReplyDelete
  3. Bakit hilaw pa ung puti pero dilaw matigas na...pano ang gagawin

    ReplyDelete